‘Mister’ ng Hollywood star timbog sa droga sa NAIA

HIMAS-REHAS ang Amerikano na nagpakilalang mister ng Hollywood actress na si Charlize Theron makaraang makunan ng mahigit P19 milyon halaga ng cocaine sa Ninoy Aquino International Airport.

Nasakote si Stephen Joseph Szuhar ng mga tauhan ng Bureau of Customs at Philippine Drug Enforcement Agency nang madiskubre ang droga sa kanyang bagahe.

“The subject passenger arrived from Doha, Qatar via Qatar Airways QR 932 coming from Brazil as port of origin,” ayon sa BOC.

“The passenger’s luggage was subjected to K9, X-Ray and 100% thorough physical examination which resulted in the discovery of 3.7 kilos of cocaine with estimated value of P19,610,000,” dagdag nito.

Ayon sa ulat, nakabantay na ang mga otoridad sa pagdating ni Szuhar na ayon sa impormante ay may bitbit na malaking halaga ng droga.

Nang maaresto, nagpakilala ang suspek na asawa ni Charlize Theron, ang Oscar-winning actress na bida sa mga pelikulang F9, The Old Guard at The Fate of the Furious.

Base sa Wikipedia, walang asawa si Charlize.

Inihahahanda na ang reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Drug Act laban sa suspek.