INANUNSYO ni Senior Citizens party-list Rep. Rodolfo Ordanes na sa susunod na taon pa sisimulan ang pamimigay ng P10,000 cash gift sa mga senior citizens na may edad 80, 85, 90 at 95.
Sa isang panayam, nagpasalamat si Ordanes sa paglagda ni Pangulong Bongbong Marcos sa inamyendahan ang Centenarian Law na nagpapalawak sa coverage ng pamimigay ng cash gifts sa mga matatandang mamamayan.
Gayunman, klinaro ni Ordanes na sa 2025 pa maisasakatuparan ang batas.
“Ang magbibigay po niyan ay DSWD (Department of Social Welfare and Development) through LGU pero ang implementation nito ay next year pa,” ayon sa mambabatas.
Dagdag niya, pinakiusapan nila ang DSWD na kung maaaring mapondohan na ngayong taon ang tinatawag na unprogrammed budget.
Kaugnay nito, sinabi ng mambabatas na pinag-aaralan pa ng Kamara ang tuluyang pagbabasura sa senior citizens booklet. Aniya, limitado sa P1,300 kada linggo ang discount ng senior citizens pero kung walang booklet ay posibleng maabuso ang pamimili.