Sara, Digong hataw sa presidential, VP survey ng OCTA


NANGUNGUNA si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at amang si Rodrigo Duterte sa presidential at vice presidential surveys ng OCTA Research.


Sa Tugon ng Masa National Survey ng OCTA na isinagawa mula Hulyo 12 hanggang 18, lumabas na 28 porsyento ng may edad na Pilipino ang boboto kay Duterte-Carpio kung tatakbo itong presidente.


Sinusundan siya nina dating Sen. Ferdinand “Bong Bong” Marcos Jr. (13 porsyento), Manila Mayor Isko Moreno (11 porsyento), at Sens. Grace Poe at Manny Pacquiao (10 porsyento).


Sa nasabi ring survey, 18 porsyento naman ang nagsabing susuportahan nila ang kandidatura ni Duterte sa pagkabise presidente.


Pumangalawa si Moreno (11 porsyento) at sinusundan nina Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano (10 porsyento), Poe (10 porsyento) at Marcos (9 porsyento).