BUMABABA na ang presyo ng bigas at sibuyas sa mga pamilihan, ayon sa Department of Agriculture.
Sa briefing, sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na mayroon ng P45 hanggang P48 kada kilo na regular well-milled rice sa mga palengke.
Bunsod ito, aniya, ng magandang ani ng mga magsasaka at mas mababang presyo ng bigas sa international market.
“Nakakakita na tayo ng P45 hanggang P48 para sa regular at well-milled. Inaasahan natin na magiging stable pa ang presyo ng bigas dahil malaki na rin iyong binaba ng presyo sa international market. Nasa 570 dollars na lang per metric ton at gumaganda na rin ang ating harvest mula sa ating mga magsasaka,” ulat de Mesa.
Patuloy rin ang pagbaba ng presyo ng sibuyas sa kabila nang pinsalang dulot ng harabas sa ilang mga taniman sa Central Luzon.
Mula P100 kada kilo ay nasa P80 na lang ang presyo nito noong nakalipas na linggo. “From P100 per kilo last week, ito ‘yung red, iyong pula at saka iyong puti, ngayon ay nasa otsenta na lang,” wika ng opisyal.
Dahil sa nasabing pagbaba, oobserbahan muna ng ahensya ang kabuuang produksiyon sa panahon ng anihan bago irekomenda kung may pangangailangan pang mag-angkat ng sibuyas.
“Ang peak ng harvest ng sibuyas ay itong buwan ng Marso hanggang April. So, siguro ay titingnan muna natin ang kabuuan ng harvest season bago magkaroon ng rekomendasyon ng pag-iimport uli sa ating kalihim,” dagdag ni de Mesa.