Poste natumba: 1 tepok, 1 sugatan

Patay ang babaeng street sweeper habang sugatan ang driver nang matumba ang kongkretong poste sa Brgy. Dela Paz, Antipolo City nitong Sabado ng umaga.

Ayon sa pulisya, sakay si Erlinada Tolosa, 57, residente ng Purok Mapayapa, Barangay Dela Paz, ng tricycle na minamaneho ni Rosano Fernandez ng Sitio Langhaya nang mabuwal ang poste ng Meralco.

Eksakto namang binabagtas ng tricycle ni Fernandez ang lugar kaya nabagsakan siya at ang kanyang pasahero ng poste.

Agad naman na nadala sa ospital ang mga biktima pero binawian ng buhay si Tolosa dahil sa mga tinamong sugat sa ulo at katawan. Nagtamo si Fernandez ng galos.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang insidente.