Police security escorts ng politiko dadagdagan

PINAG-iisipan na ng Philippine National Police na dagdagan ng police security escorts ang mga local government officials na nahaharap sa maraming banta sa kanilang buhay.

Ito ang nakikita ng PNP Directorate for Personnel Records and Management na si Brig. General Matthew Baccay bilang tugon sa sunod-sunod na pag-atake sa mga local government officials at pinakahuli nga rito ay ang brutal na pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Sa hearing ng House committee on public order and safety, sinabi ni Baccay, nasa proseso na anya ang PNP ng paglalatag ng security package habang may threat assessment na isinasagawa ang pulisya.

“But the PNP is in the process of providing a security package, especially for those with threat assessments that are validated,” pahayag ng opisyal.

Sinabi rin nito na marami ng mga lokal na opisyal ang humingi ng dagdag na escorts matapos ang ginawang pag-atake kay Degamo.

“Under extreme and emergency cases, we may add up to six escorts for one person” paliwanag pa nito.

Sa ilalim ng 2019 PNP memorandum circular, maaaring magkaroon ng police escorts ang mga local chief executives ng hindi lalagpas ng dalawa.

Sa mga pagkakataon na kakailanganin ng mas maraming escort, maaari silang kumuha hanggang anim mula sa PNP o sa private security agencies.