INIREKOMENDA ng National Bureau of Investigation ang pagsasampa ng mga kasong obstruction of justice, perjury, at reckless imprudence resulting in homicide laban sa grupo na naka-check-in sa hotel sa Makati kung saan natagpuang patay si Christine Dacera. Sasampahan ng obstruction of justice sina Mark Rosales, Rommel Galido, John dela Serna, Gregorio de Guzman, Jezreel Rapinan, Alain Chen, Reymay Englis, at Darwin Macalla, mga kasama ni Dacera na nag-party sa City Garden Grand Hotel, at abogado nilang si Neptali Maroto.
Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in homicide sina dela Serna, Rapinan, Chen, at Louie de Lima. Kakasuhan din ng perjury sina Galido, dela Serna at Macalla.
Inirekomenda rin ng NBI na sampahan ng kasong falsification of public documents si Southern Police District Medico Legal Officer Police Maj. Michael Sarmiento, na nagagawa ng autopsy kay Dacera.