KLINARO ni Rosmar Tan na may basbas ni Diwata ang paresan na itinayo niya sa Calauan, Laguna.
Ginawa ni Rosmar ang klaripikasyon makaraang umani ng batikos ang pag-anunsyo niya ng kanyang bersyon ng pares overload.
Paliwanag ng brand owner at social media personality na bago niya itinayo ang negosyo ay kinausap niya si Diwata at wala naman umanong naging problema rito.
Inamin din ni Rosmar na “inspired” ang kanyang paresan ng Diwata Pares Overload.
“Totoo naman na inspired by Diwata kasi noon ko pa talaga gustong mag-open ng paresan. Super-tagal na. Pero napipigilan ako dahil alam mo ‘yun ang tagal magpalambot ng beef. Ganoon talaga iniisip ko,” aniya.
“Pero nga noong nakita ko ‘yung kay Diwata na lechon kawali ‘yung kanyang karne, which is madali lang dahil papakuluan mo then ipiprito mo, papalutungin ganyan. Doon ako nabuhayan ng loob. Sabi ko, ‘go, go, this is it na talaga’,” paliwanag pa ni Rosmar.
Ipinunto pa niya na hindi niya tinapatan si Diwata dahil napakalayo ng paresan niya sa Laguna sa puwesto ng huli sa Pasay.