Nitso ng baby binutas; anting-anting hanap ng kawatan?

PINAGHAHANAP na ng pulisya ang mgq nasa likod ng pagbubutas sa nitso ng sanggol na ilang araw pa lamang naililibing sa Koronadal City, Cotabato.

Ayon sa ulat, binisita ng mga magulang ang nitso nitong Biyernes Santo pero halos himatayin ang mga ito nang makitang butas ang libingan at nakalabas ang paa ng bata.

Agad humingi ng tulong sa otoridad ang mga magulang bago muling inayos ang katawan ng bata at sinemento ang butas.

Naniniwala ang pamilya na planong nakawin ang ilang parte ng sanggol para gawing anting-anting.

“Oo baka nakawin talaga ang buto sa tuhod ng bata. Pero wala naman, tinignan namin, wala namang nawala,” pahayag ng lola ng bata.

Sinabi ng ilang residente na may nakita silang grupo ng kalalakihan na pumasok sa sementeryo ilang oras bago nadiskubre ang insidente.

Napag-alaman na noong Biyernes ang ika-“siyam” ng sanggol kaya titirikan sana ng kandila ng mga magulang ang puntod nito.

Sumakabilang-buhay ang pitong buwang-gulang na sanggol dahil sa pneumonia.