Nancy Binay tatakbong mayor sa Makati?

PINAG-iisipan na ngayon ni Senador Nancy Binay na tumakbong mayor sa Makati City ngayon na huling termino na niya sa Senado.

Pinaghahandaan na rin anya niyang isakrispisyo ang relasyon at ugnayan nito sa kanyang kapatid na si Mayor Abby Binay at mister nito na si Makati Rep. Luis Campos na gustong maging alkalde ng syudad, para na rin sa kapakanan ng mga taga-Makati.

Anya, 70 porsyento na umano siyang handang tumakbo sa pagka-mayor at inilalatag na rin ang kanyang mga plano para sa lungsod.

Handa rin anya siyang makipag-usap sa kampo ng kanyang bayaw na una na ring nagpahayag na planong tumakbong mayor, para sa kapakanan na rin ng buong pamilya.

Gayunman, posible anyang magkaroon ng showdown sa lungsod sa darating na halalan.

“What will be good for Makati yung consideration, kung kailangan  na i-sacrifice yung in-law relationship para doon sa mga kababayan ko sa Makati, we have to sacrifice that,” ani Binay. 

“Away-pamilya pa din yun  sakin parang ayoko mawalan ng pag-asa na hindi mangyari na magkakaroon uli ng ganung gulo sa pamilya but tulad nang nabanggit mo, nangyari na nga yung scenario na may gulo ulit talagang malaki yung probability mangyayari yung ganung gulo,” pahayag pa nito.

Ang maganda lang anya rito, hindi magiging Binay versus Binay ang mangyayari.