Kelot sinunog tambak na labada: ‘Nakaka-bad trip e’

BAGSAK sa kulungan ang 24-anyos na lalaki na sinunog ang kanyang labada sa Upper Kamputhaw, Cebu City.

Inamin ni Philip Rodriguez na nagawa niya ang panununog dahil na-bad trip siya nang makita na gabundok na ang kanyang labahin.

Idinagdag ni Rodriguez, residente ng Purok 3, na may dinaramdam siyang “personal problem” ng mga sandaling iyon.

Ayon sa ulat, narinig ng mga kapitbahay na humihingi ng tulong ang tiyahin ni Rodriguez dahil nasusunog ang silid ng pamangkin. Nagtulong-tulong naman ang mga magkakapitbahay para maapula ang apoy.

Inireklamo naman ng mga ito si Rodriguez sa pulisya sa pangamba na maulit ang pangyayari at madamay ang kanilang mga bahay.