It’s Showtime’ host tinangkang gahasain ng macho dancer

SINAMPAHAN na ng patong-patong na reklamo ang lalaking umano’y nag-stalk at nagtangkang gumahasa sa “It’s Showtime” host na si Cianne Dominguez nitong Huwebes ng gabi sa Quezon City.

Kinilala ang suspek na si  Shervey S. Torno, aka Ronnie Gray, isang gay bar performer.

Kasalukuyan siyang nakadetine sa Quezon City Police District station 10.

Base sa reklamo ni Cianne, paakyat siya ng kanyang unit sa 8th floor ng condo nang sabayan siya sa elevator ni Torno, na nagpakilalang fan at sinabing nakatira ito sa 11th floor.

Pero paglabas ng 8th floor ni Cianne ay sinundan siya ni Torno. Nang papasok na ang host sa kanyang unit at isasarado ang pinto ay pinigilan siya ng suspek at nagpumilit din na pumasok. Hinawakan ng suspek sa bewang at tinangkang halikan si Cianne pero nagawa ng dalaga na makakawala at maisara ang pinto.

Nagsisigaw ang biktima kaya tumakas ang suspek. 

Nakunan naman ng video ni Cianne ang pagtakas ni Torno, na nadulas habang  kumakaripas ng takbo.

Nasakote naman ng mga security guard ng condo ang suspek at dinala sa himpilan ng pulisya.