KINONDENA ng Gabriela Women’s party ang hirit na malakihang dagdag singil sa tubig ng Manila Water Company Inc. simula Enero 2023.
“Hindi makatao ang pagtataas ng singil sa tubig sa kabila ng nagtataasang presyo ng bilihin at batayang serbisyo. Kung itutuloy ito, para na ring nilunod ang mga Pilipinong halos wala nang makain sa pang araw-araw,” sabi ni Gabriela Women’s party KJ Catequista.
Base sa kahilingan na isinumite ng Manila Water, humingi ito ng karagdagang P8.04 kada cubic meter (m3). Sakaling maaprubahan, tataas ang singil sa P35.86/m3 mula sa kasalukuyang P26.81/m3.
Nais din ng Manila Water na magpatupad ng taunang pagtaas kabilang ang P5/m3 sa 2024; P3.25/m3 sa 2025; P1.91/m3 sa 2026; P1.05m/3 sa 2027; at P0.97/m3 sa 2028.
“Halos taon-taong tumataas ang singil sa tubig, pero halos taon-taon din naman ang serye ng service interruptions at bulok na serbisyo. Tapos ngayon, pilit na ipapalunok sa masa ang mataas na singil sa tubig,” dagdag ni Catequista.