Grade 7 student aksidente ikinamatay; 3 kapamilya kakasuhan

SINAMPAHAN ng kasong reckless imprudence resulting in homicide ang kapatid ng dalagita na unang napabalitang pinatay ng mga hindi kilalang tao sa Talisay City, Cebu noong April 26.


Kinasuhan din ito, kasama ang ama at ang girlfriend, ng obstruction of justice, ayon sa pulisya. Sasampahan din ng accessory to homicide ang girlfriend.


Bago ito, inanunsyo ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na “accidental shooting” ang ikinamatay ng dalagita na nabaril habang sumasagot ng kanyang modules sa loob ng silid.


Ani Fajardo, tinamaan ng bala ang biktima nang mahulog sa bulsa ng kanyang kapatid ang dala-dala nitong baril.


“Kausap ko po kanina ‘yung mismong chief of police ng Talisay station. Ang totoo po ay aksidente po itong namatay dahil ‘yung isang kapatid niya ay nalaglag ‘yung baril sa bulsa at tumama po aksidente ‘yung bala sa kapatid nya na during that time po ay nakahiga po,” ulat ni Fajardo.


Dagdag niya naisampa na ang kaso sa ama at kapatid ng biktima at girlfriend ng huli makaraan nilang linisin ang crime scene at itago ang baril na nakapatay sa dalagita.


“Dahil pinalabas nila na may pumasok doon at sinira pa nila pinto para lang suportahan ‘yung sinasabi nila na may pumasok doon at binaril yung bata, para palabasin na pagnanakaw ang motibo,” paliwanag ni Fajardo.