Ex-Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez natulog, hindi na nagising

NAMATAY habang natutulog sa kanyang selda ang convicted rapist-murderer na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez ngayong araw, ayon sa Bureau of Corrections.


Sinabi ni BuCor spokesman Gabriel Chaclag na naitakbo pa sa New Bilibid Prison Hospital si Sanchez pero hindi na ito naisalba ng mga doktor.


Isasailalim sa autopsy ang bangkay upang madetermina ang ikinamatay nito.


Ani Chaclag, mayroong chronic kidney disease, hypertension, gastroenteritis, prostate problems at hika si Sanchez.


Hinatulan si Sanchez ng pitong habambuhay na pagkakakulong dahil sa panggagahasa at pagpatay sa UP-Los Banos student na si Eileen Sarmenta at sa pagpatay sa boyfriend nitong si Allan Gomez noong 1993.
Huling nakitang buhay si Sanchez kagabi bago matulog. Ginising ito ng mga kapwa-preso alas-7 ng umaga pero hindi na ito gumagalaw.


“There is no sign of foul play,” ani Chaclag.


Noong 2019 ay naibalitang kasama si Sanchez sa mapapalaya base sa good conduct time allowance, pero hindi ito natuloy matapos kontrahin ng publiko.