Delivery rider minura, sinampal ng turista

MINURA na ay sinampal pa ng isang dayuhan ang food delivery rider dahil lang sa natapon na softdrinks sa Dipolog City, Zamboanga del Norte nitong Miyerkules. Nag-viral ang video ng pananakit ng turista sa rider na naganap sa Morrison Beach, Brgy. Ulingan alas-2 ng hapon.

Base sa video, dumating ang rider para ideliber ang inorder na pagkain ng foreigner pero hindi pa man nakukuha ng kostumer ang mga supot ng pagkain ay aksidenteng nahulog ang cup ng softdrinks.

Pinagmumura ng dayuhan ang Pinoy dahil hindi umano maayos ang pagkakalagay nito ng cup sa supot.

Para payapain ay sinabi ng delivery rider na babayaran na lang niya ang softdrinks. Nang magbabayad na ang turista ay nakita niyang hawak ng Pinoy ang cellphone kaya hindi nito maiabot nang maayos ang supot ng pagkain.

Muling minura ng dayuhan ang Pinoy saka sinampal kaya tumilapon ang hawak na telepono ng huli. Inaalam pa ng Publiko kung sasampahan ng kaso ng biktima ang nanakit sa kanya.