4 nagnakaw ng adobo, kalaboso

DINAKIP ng pulisya ang apat na katao, tatlo sa kanila ay menor de edad, dahil sa pagnanakaw umano ng kaldero ng adobo sa Nueva Vizcaya.


Naganap ang nakawan sa isang karinderya sa Purok-1, Brgy. Baretbet sa bayan ng Bagabag.


Kinilala ang isa sa mga suspek na si Jeffrylle Lucero, 19, habang hindi pinangalan ang tatlo dahil pawang mga menor de edad ang mga ito.


Ayon sa pulisya, isinurender ang apat ng kani-kanilang mga magulang makaraang mag-viral sa social media ang video ng nakawan.


Ibinalik ang kaldero pero wala na itong laman.


Base sa reklamo ng may-ari ng turo-turo, huminto ang mga suspek na sakay ng dalawang motorsiklo sa harap ng establisimento bago tumakbo ang isa kanila sa mesa ng mga ulam at kinuha ang kaldero ng adobo bago sila tumakas.


Nananatili sa presinto si Lucero habang nasa pangangalaga ng Municipal Social Welfare and Development Office ang tatlo niyang kasama.