INIHIMLAY na sa ataul na gawa ng kanilang ama ang dalawang batang nalunod sa Bantay, Ilocos Norte noong Huwebes.
Ibinahagi ng isang Ryan Pardo ang ilang larawan na kuha sa burol ng mga batang sina Jodelyn at Princess Pido, 7 at 9, mga residente ng Brgy. Naguiddayan.
Matatandaang iniulat ng Publiko na dahil sa kawalan ng pambili ng ataul, ang padre de pamilya na lang na si Federico ang gumawa ng paglalagyan sa dalawa niyang anak.
Tinulungan naman si Federico ng ilang mga kapitbahay sa pagbuo, pagpintura at pagdisenyo sa mga ataul.
Nasawi ang mga bata sa lampas-tao na irigasyon.
Related story here: https://pinoypubliko.com/provincial-news/magsasaka-ginawan-ng-ataul-2-anak-na-nalunod/
Kuwento ni Federico, pinatulog muna ng misis niya ang anim na anak bago nagpunta sa kapitbahay.
”Nalaman lang ng misis ko noong may nakapagsabi na may nalunod sa irigasyon. Doon niya hinanap ang mga anak namin,” ani Pido na nasa bukid nang maganap ang insidente.
Bago ang trahedya, ayon sa ama, ay may nakakita sa dalawang bata na malapit sa irigasyon kaya pinauwi ang mga ito. Posible na patagong bumalik sa patubigan ang dalawa, dagdag niya.
Unang narekober ang katawan ni Jodelyn sa bahagi ng kanal sa kalapit na Brgy. Bulag East habang nakita ang katawan ni Princess sa Brgy. Malingeb.