Annabelle Rama ni-libel ng ex-aide ni Pacquiao

SA Oktubre 31 ang ika-69 kaarawan ni Annabelle Rama at bilang advance birthday gift ay inireklamo siya ng libel ng dating aide ni Sen. Manny Pacquiao at abogado nitong si Larry Gadon.

Sa isang panayam, sinabi nina Jayke Joson at Gadon na tinuluyan nila si Rama dahil sa pakikisawsaw nito sa isyu nina Joson at Pacquiao.

Nagsampa ng mga reklamong libel at cyber libel si Joson sa National Bureau of Investigation nitong Martes makaraang ihayag ni Rama sa Twitter na ninakawan niya ng P140 milyon si Pacquiao.

Ayon kay Gadon, dapat makulong si Rama sa pambu-bully kay Joson.

“Yung mga statements niya would qualify as libel, bullying kaya ito ay aming tutuluyan.
Ninanais namin talaga dito, ang aming gustong mangyari dito, ay maipakulong si Annabelle Rama,” dagdag ng abogado.

“Sinasabi niya na si Jayke ay isang alalay lamang at ito ay magnanakaw ng pera ni Manny Pacquiao. ‘Yun ang pinakamatindi dun na inakusahan niya si Jayke ng pagiging magnanakaw. Aside from magnanakaw, siya ay manloloko…na siya raw ay tinanggal ni Manny Pacquiao na hindi naman katotohanan sapagkat kusa si Jayke umalis,” hirit pa ni Gadon.

May banta rin ang abogado sa iba pang mambu-bully sa kanyang kliyente.

“Yung mga nakikialam at nakikisawsaw na kagaya ni Annabelle Rama ay aming bibigyan ng leksyon at talagang aming idedemanda. Sapagkat napakatibay, sobrang tibay ng ebidensya laban sa kanya sapagkat sarili niyang account yun,” aniya pa.