UULANIN ang malaking bahagi ng Luzon bunsod ng Southwest Monsoon o habagat, ayon sa weather bureau.
Sa forecast ng Pagasa, magdadala ang habagat ng pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Northern Luzon at sa kanlurang bahagi ng Southern at Central Luzon.
Makararanas ang Ilocos Region at ang mga lalawigan ng Batanes, Apayao, Cagayan at Zambales ng maulap na papawirin na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin naman ang iiral sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon.
Ang Visayas at Mindanao, maging ang mga lalawigan ng Romblon at Masbate, ay magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kasamang pag-ulan at pagkidlat.
Nagbabala naman ang Pagasa sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar.