Nationwide online job fair ng DOLE sa May 1

INANUNSYO ng Department of Labor and Employment (DOLE) na magkakaroon ito ng nationwide online job fair at job summit sa Labor Day sa May 1.

“Naghahanda po tayo para sa malawakang job fair sa May 1. Lahat po ng ating mga regional offices at public employment offices nationwide ay nangangalap na po ng mga job vacancies at ‘yung magpa-participate po na mga employer para po sa ating job fair,” ani DOLE Asec. Dominique Tutay.

Aniya, ang job fair ay para na rin sa mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

Dagdag ng opisyal, magkakaroon din ng online job summit na naglalayong ma-recover ang mga employment na nawala sa panahon ng pandemya.

“Ilalatag po rito ng ating mga business group, ng ating mga labor sector at ng ating pamahalaan ‘yun pong employment recover agenda sa darating po na job summit,” sabi ni Tutay.

Para sa mga detalye, maaaring bisitahin ang website ng DOLE na dole.gov.ph o bisitahin ang mga social media accounts nito para sa mga updates. –A. Mae Rodriguez