PINABULAANAN ng magazine program na “Kapuso Mo, Jessica Soho” na binigyang-katwiran ng show ang pagpatay sa asong si Killua ng isang barangay tanod.
Sa statement, ipinagdiinan ng programa na inilabas lamang nila ang panig ng lahat ng may kaugnayan sa insidente– ang may-ari ng aso, mga saksi at ang tanod–para sa “patas na pamamahayag.
“Kagaya ng iba naming mga report, kinuha namin ang salaysay ng fur parent ni Killua, ng tanod, at iba pang nakasaksi sa pangyayari, sa ngalan ng patas na pamamahayag,” ayon sa kalatas.
“Binanggit din sa segment na hindi nararapat patayin ang aso kahit pa nakakagat ito at paparusahan ang mga lalabag sa Animal Welfare Act.
Hinihikayat din ang lahat na maging responsableng dog owner,” dagdag ng programa.
Giit pa nito: “Naninindigan ang KMJS na kailanman walang puwang ang animal cruelty sa ating lipunan.”