IIMBESTIGAHAN ng simbahan ang ulat ng umano’y pagluha ng imahe ng Our Lady of Fatima sa Sagñay, Camarines Sur.
Nagsimula ang pagluha ng poon noong Marso 20 habang inililipat ito sa ibang bahay bilang bahagi ng tradisyon sa lugar.
Nang dumating ang poon sa bahay ng isang Salvacion Navalta ay bigla na lamang umano na umagos sa mga mata ang kulay pulang likido na pinaniniwalaang dugo.
“Pagdating doon sa loob ng bahay namin binaba ko na sa may altar, niyakap ko po siya sabi ko ‘Mama Mary nandito ka naman sa akin.’ Nung hahalik na ako sa kamay niya… tumayo yung mga balbon ko, parang nanghihina yung mga tuhod ko, sabi ko, ‘Mama Mary ano ito?’ tapos sabi ko, ‘Diyos ko, Mama Mary, ano ang ibig sabihin nito?'” ani Navalta sa isang panayam.
Mabilis na kumalat ang pangyayari hanggang sa makarating sa kaalaman ng Saint Andrew the Apostle Parish church at ng Archdiocese of Caceres.
Napag-alaman na magsasagawa ng imbestigasyon ang simbahan upang madetermina kung totoo ang pagluha ng birhen at ideklara itong milagro.
Maliban sa simbahan, maaari rin itong imbestigahan ng Vatican.
“Kaipuhan talagang examinon itong imahen, hilingon kung ano tong dugo na to, kung anong liquid itong nagluluwas sa mata [kung] actual or genuine blood, so kadakol pong mga investigation,” ani Rev. Fr. Luisito Occiano, tagapagsalita ng Archdiocese of Caceres.
Naniniwala naman si Nida Geronimo, coordinator ng Soldiers of Christ Catholic Charismatic Healing Ministry, na may ipinararating na mensahe ang Virgin Mary.
“Sabi ko, may message o may mensahe na [gustong] iparating dito sa lugar natin, na yung mga tao talaga na sarado ang mga puso na hindi kilala ang panginoong Hesukristo. Ito na po talaga ang oras na ang tao matuto na magbalik-loob sa Diyos,” sambit niya.
Gawa sa fiberglass ang imahe at dalawang taon nang nasa pangangalaga ng Soldiers of Christ Catholic Charismatic Healing Ministry.