Nagpepenitensya hinambalos; vendetta motibo

SUGATAN ang lalaki na nagpepenitensya makaraang hambalusin sa ulo ng kabarangay sa Angeles City, Pampanga kamakailan.

Paghihiganti ang nakikitang motibo ng pulisya sa pag-atake.

Ayon sa ulat, nagpepenitensya  ang 24-anyos na biktima nitong Martes ng hapon nang hintuan ito ng riding-in-tandem.

Bumaba ang 48-anyos na suspek at walang sabi-sabing hinampas ng dos-por-dos sa ulo ang biktima.

Tumakas ang mga suspek nang duguang bumagsak sa lupa ang biktima.

Sumuko naman sa pulisya ang isa sa mga ito makaraan ang ilang oras. Nahaharap ang dalawa sa kasong frustrated homicide.

Sinabi ng imbestigador, paghihiganti ang motibo sa pamamalo dahil may atraso umano ang pinsan ng biktima sa kapatid ng suspek.

Hindi naman dinetalye ng pulis kung bakit ang biktima ang pinabalingan ng galit ng suspek.