ISANG panalo na lang at makakapasok na sa NBA Finals ang Phoenix Suns matapos lagpasan ang LA Clippers, 84-80, sa game 4 ng Western Conference finals series.
Kung sakaling makapasok sa Finals, ito ang unang pagkakataon ng Suns na makapaglaro sa championships matapos ang tatlong dekada. Huling nakitang naglaro ang Suns sa NBA Finals noong 1993.
Itinawid ni Devin Booker ang Suns sa pagkapanalo nito sa pamamagitan ng 25 points habang naka-iskor naman Chris Paul ng 18 points kabilang ang limang krusyal na free throws sa huling 10 segundo ng laro.
Nakapagtala naman si Deandre Ayton ng 19 points at 22 rebounds habang tumulong si Mikal Bridges ng anim na puntos at 13 rebounds para sa Suns, na susubukang bigyang konklusyon ang Western Finals bukas sa Game 5 nito.
Ang laban ay gagawin sa home court ng Suns.
Nanguna para sa Clippers si Paul George sa kanyang 23 points at 16 rebounds habang si Reggie Jackson ay may 20 points. Nagtapos naman si Ivica Zubac ng 13 points at 14 rebounds.