PINAYAGAN ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na ganapin sa bansa ang International Basketball Federation (FIBA) Asia Cup Qualifiers sa Hunyo sa ilalim ng “bubble-type” setting sa Clark, Pampanga.
Inaprubahan ng IATF ang kahilingan ng Samahan Basketbol ng Pilipinas pero kailangang tiyakin ang pagsunod sa health and safety protocols ng mga sasali.
Bukod dito, inaprubahan din ng IATF na makapagpraktis ang mga miyembro ng Philippine Basketball Association (PBA) sa mga lugar na nasa General Community Quarantine (GCQ) at Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Pinayagan din ng task force na muling magsagawa ng karera ng kabayo.
“The IATF likewise approved the conduct of horse-racing activities in areas under MECQ under a no-audience set up. In addition, only online and TeleBet activities in NCR Plus may operate. Off-tracking betting stations, on the other hand, may resume operations during GCQ or MGCQ,” ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.
Idinagdag niya na inaprubahan din ang mga regulasyon kaugnay ng Point-to-Point Air Travel para pagbabakasyon mula sa mga lugar na nasa ilalim ng NCR Bubble.