Vice hambog hanggang ngayon – Cristy

PARA sa veteran showbiz writer at host na si Cristy Fermin, isa sa mga katangian ni Vice Ganda na hindi nawala kahit noong hindi pa sikat ang “It’s Showtime” host ay ang kahambugan nito.

Sa episode ng kanyang “Showbiz Now Na” nitong Martes, ipinagdiinan ni Cristy na hindi na nabago ni Vice ang ugali nito na mayabang.

“Mali ‘yung umaariba na naman daw po ang kahambugan ni Vice Ganda. Iko-correct ko lang po. Hindi naman nawala ‘yon, e. ‘Yan naman talaga ang kanyang imahe. May kayabangan, mapatutsada,” wika ni Cristy.

“Tapos mayroon naman siyang mga tagasuporta na abalang-abala na naman ngayon,” dagdag niya.

Bago ang banat ni Cristy, ipinost ni Vice sa X/Twitter ang isang meme ng mga aliens na tila patama sa showbiz insider at co-host nitong si Romel Chika.

Sa “It’s Showtime” kamakailan ay inanunsyo ni Vice na mayroon siyang ilalabas na kanta, na may titulong “Bwak Bwak Bwak,” na ikaiinis ng kanyang basher.