True ba, Neri Naig inaresto? — Ogie Diaz

GUSTONG malaman ng talent manager at vlogger na si Ogie Diaz ang katotohanan ukol sa nakarating na ulat sa kanya na inaresto umano si Neri Naig-Miranda, asawa ni Parokya ni Edgar frontman Chito Miranda, nitong Sabado sa Pasay City.

“May nagpasa lang ng impormasyon na ito sa amin. Last November 23 ay inaresto ng Pasay City Police sa kasong paglabag sa section 28 of the RA 8799 o ang tinatawag na the securities and regulations code ng Securities and Exchange Commission ang aktres at tinaguriang wais na misis na si Neri Naig Miranda,” ani Ogie sa vlog.

Nagulat din si Ogie nang malaman sa ulat na tinaguriang “top most wanted person” si Neri.

“Di pa malinaw kung anong eksakto ang dahilan at kung sino ang mga nagrereklamo. Kung totoo man ito ay mas magandang mapakinggan din ang panig ni Neri. Sana ay mapakinggan natin ang bersyon ni Neri at ng mga nagreklamo sa kanya,” dagdag ni Ogie.

Hindi naman binanggit ng talent manager kung sino ang nagsampa ng kaso laban kay Neri at ang detalye sa umano’y paglabag sa securities and regulations code ng SEC.