Stand-up comedian Didong nasawi sa stroke

SUMAKABILANG-buhay noong Sabado ang stand-up comedian na si Ronnie “Didong” Dumadag dahil sa hemorrhagic stroke. Siya ay 47.

Ayon sa ulat, itinakbo si Didong sa isang ospital sa Caloocan City ilang oras matapos siyang mag-taping para sa “Family Feud” at mag-show sa isang comedy bar sa siyudad.

Habang nasa dressing room ng bar ay nakaranas si Didong ng matinding pananakit ng ulo. Wala na itong malay nang dalhin sa pagamutan.

Lumabas sa resulta ng CT scan na nagkaroon ng pagdurugo sa kanyang utak na nakaapekto sa kanyang paghinga at pagtibok ng puso.

Nagluluksa naman ang kaibigan ni Didong na si Brenda Mage sa kanyang pagyao. “

Ang hirap hirap isipin talaga na wala kana Ding… Ang sikip sa dibdib pag naiisip ko yung mga kwentuhan at kalokohan natin…Haaaist ang hirap talaga…. 10 years natin pagkaibigan hindi lang kaibigan ang nabuo para na tayong kambal talaga…. Ang bigat sa dibdib sobra,” ani Brenda.

“Paalam my beloved Barang Sister mahal na mahal ka namin,” dagdag niya.

Nakaburol si Didong sa Floresco North Mortuary Zadiel Chapel sa McArthur Highway, Caloocan City.