Sandro Muhlach nanggigil sa 2 writers ng GMA-7

KAHIT nakakubli ng sunglases ay banaag sa mukha ng young actor na si Sandro Muhlach ang galit nang muling makaharap ang dalawang independent contractors ng GMA-7 na inireklamo niya ng rape through sexual assault at acts of lasciviousness.

Naganap ang “face-off” sa pagitan ni Sandro at nina Jojo Nones at Dode Cruz sa Department of Justice nitong Huwebes.

Nagsumite sina Nones at Cruz ng kanilang counter-affidavit para pabulaanan ang mga alegasyon ni Sandro.

Sa video ng “24 Oras” ay makikita si Sandro na napatayo at akmang susugod kina Nones at Cruz kaya agad itong pinayapa ng mga abogado.

Ito ang unang beses na nakaharap nang personal ng batang aktor ang dalawang writer ng Kapuso network mula nang naganap ang umano’y pang-aabuso sa kanya ng dalawa noong Hulyo.

Para pahupain ang tensyon, inilipat ng silid sina Nones at Cruz para humarap sa piskal at sumpaan ang kanilang affidavit. Ilalabas ng DOJ ang resolusyon sa reklamo sa mga susunod na linggo.