Ruru nabutata ng fan ni Coco

KAHIHIYAN ang napala ng Kapuso actor na si Ruru Madrid sa isang fan ni Coco Martin.

Sa X/Twitter, shinare ni @AltIndayBadiday ang clip na binigyan ni Ruru ang isang senior citizen ng 50 inches flat screen TV mula sa “Unang Hirit.”

Kasama ni Ruru ang “Black Rider” co-star na si Jon Lucas.

“Makakanood ka na ng Black Rider, ‘Tay. Nanonood ka raw palagi ng Black Rider ‘Tay?” ani Jon sa matanda.

Hindi naman inaasahan ng dalawa ang sagot ng senior citizen. “Mula pa noon… ang napapanood ko, ang hinahangaan ko, si Coco Martin,” ayon sa matanda.

Wala namang nagawa sina Ruru at Jon kundi tumawa.

Si Coco ang bida sa katapat na serye ng “Black Rider” na “Batang Quiapo.”