Ruru Madrid sa pagpapakasal kay Bianca Umali: Pondo-pondo lang muna

SIGURADO na ang aktor na si Ruru Madrid na si Bianca Umali ang babaeng ihaharap niya sa altar, pero ang hindi pa siya sigurado ay kung kailan ito magaganap.

Sa isang panayam, sinabi ni Ruru na mahigit pitong taon na ang relasyon nila ng dalaga pero mas lalo pang tumindi ang pagmamahal nila sa isa’t-isa.

“Nakatutok kami sa kung paano pa namin mapu-push ang isa’t isa para sa pagtupad ng mga pangarap,” aniya.

Nakaplano na rin, dagdag ng Kapuso actor, ang future nila bilang husband and wife.

“Siyempre `yan ang mga susunod na plano natin. Sa totoo lang, ang dami na naming plano together, ang dami na rin naming nagawa together, like may mga business na kami na magkasama,” lahad niya.

Gayunman, wala pa sa plano nila ang petsa ng wedding.

“Sa ngayon, pondo-pondo lang muna kami, and then, eventually…for me kasi, siya na talaga ang tao na gusto kong makasama habambuhay,” sambit niya.

“Ang tadhana na lang talaga ang makapagsasabi kung kailan mangyayari `yon, kung kailan kami ikakasal,” wika pa ni Ruru.