ISINUSULONG ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang mandatory drug test sa mga artista ngayon na maraming celebrities ang nasasangkot sa ilegal na droga.
Sa ilalim ng panukala ni Barbers, dapat sumailalim muna sa drug test ang mga artista bago sila bigyan ng proyekto ng mga producer at director.
“Ang aking paniniwala sa industriya ng pelikula, ito ay malapit sa puso ng tao, iniidolo, dapat malinis ang kanilang imahe at hindi sangkot sa illegal na bisyo, maging requirement ng mga producer at director na ang kanilang artista bago bigyan ng proyekot ay sumailalim muna sa drug test,” sabi ni Barbers sa isang panayam sa radyo.
Idinagdag ni Barbers na sa nakalipas na mga taon ay maraming mga kilalang personalidad ang nasangkot sa droga.
“May mga iniidolo ng bayan na talagang nasangkot sa illegal na droga at sa aking palagay ay ito’y makakaimpluwensiya lalong-lalo na ang mga naga-idolize sa kanil,” dagdag ni Barbers.
Sinabi pa ni Barbers na maging ang Korte Suprema ay nagdeklara na rin na constitutional ang mandatory drug testing.
“Yan naman ay hindi unconstitutional, may ruling ang Supreme Court sinasabi kung ano ang constitutional at hindi,” aniya.