BAGAMAT nalungkot dahil hindi pinalad na manalo ang sinusuportahan na kandidato, tanggap ni show biz columnist/vlogger na si Ogie Diaz ang panalo ni Bongbong Marcos.
Sa isang mahabang post sa Facebook, sinabi ni Ogie na umaasa siya na matutupad ni Marcos ang lahat ng mga ipinangako nito sa kampanya, kabilang ang pagbaba ng presyo ng bigas.
“Iyak kayo ngayon. Talo Mama Leni n’yo.
“O, ano na? Nanahimik kayo ngayon? Di ba, kayo diyan ang maiingay?
“Madalas, ‘yan ang nae-encounter kong comments. Tina-tag pa ako ng ilang supporters ni BBM. Pag sinilip mo ang mga accounts, kung hindi nagtatrabaho sa crusty krab, may picture na nakikipag-inuman sa kalye habang hubad baro; o kaya naman, walang personal na post para sa kanilang kandidato sa kanilang socmed accounts at papalit-palit lang ng profile pic. Sila yung masisipag lang dumayo at mag-comment sa mga posts mo.
“Makikipagtalo ka pa ba?
“Hindi na.
“Kung si BBM/Sara man ang nanalo, to be honest, walang problema sa akin. Eh, yan ang pasya ng majority, eh. Lalo na kung sa malinis na paraan nanalo.
“Oo naman. Aaminin ko, nalungkot kami dahil natalo ang manok namin. Pero mas nalungkot kami para sa bayan. Kasi ako, lagi kong sinasabi — kahit sino pa ang maging Pangulo, kakain ang pamilya ko. Kakain ang mag-iina ko. Hindi sila magugutom. Makakapag-aral ang mga anak ko. May sapat akong ipon, may maganda akong trabaho.
“Actually, back to work na nga ako, eh. Tuloy ang buhay.
“Kung nagbubunyi ka sa pagkapanalo ng iyong manok habang wala ka pang work, hangad ko na sana’y magka-work ka na sa ilalim ng rehimeng BBM/Sara. At pag nagka-work ka, sana, okay din ang pasahod sa ‘yo ng papasukan mo.
“Kung hinahangad mo na maging beinte pesos ang bigas tulad ng ipinangako ni BBM, aabangan ko din ‘yan. Hindi na para sa akin, para sa lahat ng mga taong umasa na magiging 20 pesos nga per kilo ang bigas.”
“Ipagdasal natin na isama na pati asukal, kape, gatas at iba pang pangunahing bilihin. Tapos, sana, hindi lang bigas. Baka magawan din ng paraan yung presyo ng gasolina, ibaba na din.”
“Pero ito, wa echos talaga. Cross my heart. Sa mga BBM supporters, kasama n’yo ako pag may magagandang plano na maisasakatuparan para sa bayan ang susunod nating Pangulo.
“Hindi naman tayo bulag sa ganyan. Pag me magandang nagagawa ang pamahalaan, marapat lamang na papurihan at suportahan, lalo na’t taumbayan ang makikinabang.”
“Pero pag may mali, may anomalya, may korapsyon, sana, magkakasama rin tayong sumita at i-call out ang dapat i-call out.
Okay ba ‘yon?
“Kung okay, please share this.
“Kung hindi ka sang-ayon eh wala naman na akong magagawa. Basta hangad ko pa rin na sana masarap ang ulam mo today and for the next six years,” ani Ogie.