NABIGO ang pulisya na maisilbi kay Kapuso actor Ken Chan ang warrant of arrest kaugnay sa kasong syndicated estafa.
Ayon sa ulat, wala si Ken sa kanyang bahay sa Quezon City nang puntahan ng mga pulis. Base sa kanyang mga social media post, nasa New York si Ken kasama ang pamilya.
Kinasuhan ang aktor ng paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code, na walang nakalaang piyansa at may parusang habambuhay na kulong.
Sinabi nina Atty. Joseph Noel Estrada at Atty. Maverick Romero ng Estrada & Aquino Law Office, bukod kay Ken ay may pitong iba pa na inireklamo ang kanilang kliyente na isang negosyante.
Ayon sa mga abogado, aabot sa P14 milyon ang natangay ng grupo ni Ken mula sa negosyante.
Inihayag ni Estrada na lumabas na hindi otorisadong mangulekta ng puhunan si Ken at mga kasama nito.
“Using misrepresentation and fraudulent escapes, nakakuha sila ng pera against dito sa complainant,” dagdag nito.
Wala pang pahayag si Ken ukol sa arrest warrant.