‘Ikaw ang tanging tahanan ng puso ko’

MAKATA ang peg ni Ruru Madrid sa mensahe para sa ikaanim na anibersaryo bilang magkasintahan nila ni Bianca Umali.

Sa isang mahabang post sa Instagram, inisa-isa ni Ruru ang mga magaganda umanong dulot sa kanya ng pagmamahal ni Bianca.

“Sa loob ng anim na taon, napuno mo ang buhay ko ng saya at pagmamahal. Napakarami kong natutunan sa’yo, mahal ko, at binago mo ang buong buhay ko. Marami man tayong pagsubok na hinarap sa mga nagdaang taon, pero malinaw sa akin na anuman ang mangyari, IKAW LANG ANG PIPILIIN KO, palagi at araw-araw,” aniya.

“Ikaw ang liwanag sa mga madidilim na araw, ang lakas ko sa panahon ng kahinaan. Kapag kasama kita, pakiramdam ko’y kaya ko ang lahat. Salamat sa bawat yakap na nagbigay sa akin ng kapanatagan, sa bawat ngiti na nagpaalala sa akin kung gaano ako kaswerte, at sa bawat halik na nagpapatibok ng puso ko,” dagdag ni Ruru.

Kaya ang pangako niya sa dalaga: “Mamahalin at poprotektahan ka habang buhay at hindi ako magsasawang pasayahin ka sa lahat ng pagkakataon. Kahit anong bagyo pa ang dumaan, ikaw at ikaw lang ang aking pipiliin, dahil ikaw ang tanging tahanan ng puso ko.”