Ibinili ng PS5 sa gitna ng ECQ: Vice Ganda gagawin lahat mapasaya lang ang BF

NIREGALUHAN ni Vice Ganda ng Playstation 5 (PS5) ang boyfriend niyang si Ion Perez para umano malibang ito makaraang mapilay noong Holy Week.

Tuwang-tuwa naman si Ion sa surprise ng kanyang kasintahan at agad ipina-set up ang home video game console para malaro niya ito.

Ayon kay Vice, naging matamlay si Ion mula nang ma-sprain ang paa nito dahil sa paglalaro ng badminton noong nakaraang buwan.

At para raw bumalik ang sigla ng boyfriend ay naisipan niya itong ibili ng pagkakaabalahan.

Sinabi ng “It’s Showtime” host na naawa siya kay Ion dahil hindi nito magawang mag-workout at magbisikleta bunsod ng aksidente.

Nakabenda ang paa ni Ion at gumagamit ito ng saklay sa paglakad, dagdag ni Vice.

Ramdam din umano niya ang pagkabagot ng boyfriend dahil hindi sila makalabas ng bahay at makapamasyal dahil naman sa enhanced community quarantine na umiral nang dalawang linggo.

Kaya kahit nahirapan siyang bumili ng PS5 dahil sa ECQ, sinabi ni Vice na nagawa niyang maka-order nito para sa kanyang mahal.

Sey pa niya, lahat ay gagawin niya huwag lang makitang malungkot si Ion.