NAGBANTA si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno na kakasuhan ang mga netizens na nagkakalat na ninakaw ni Kris Aquino ang mga alahas ni dating First Lady Imelda Marcos.
Ginawa ni Sereno ang babala sa isang Facebook post.
“Simula ngayon, kukuhanan na namin ng screenshots ang lahat ng magko-comment ng ganito, pati ang profile details niyo, at ipadadala sa Bangko Sentral, sa PCGG, at sa sinisiraan n’yong tao,” ayon kay Sereno.
“Dalawang government institutions po at isang individual ang sinisiraan n’yo. Paano po n’yo sinisiraan ang PCGG at Bangko Sentral?
“Sa ilalim ng batas, hindi nila maaaring galawin at ipagamit sa maling paraan ang mga assets na ipinagkatiwala sa kanila, gaya ng mga alahas na nasamsam na ill-gotten wealth.
“In effect, inaakusahan n’yo ang PCGG at Bangko Sentral ng paglabag sa batas.
‘Dati po ay dinadaan lang natin sa paliwanag na walang basehan ang akusasyon nila kay Kris Aquino, Bangko Sentral ng Pilipinas, at sa PCGG.
“Ngunit hindi po tumitigil ang ganitong mga masasamang bintang at krimen po iyan. Kaya’t iipunin na po namin ang mga screenshots ng ganitong mga comments at ipadadala sa kinauukulan.
“Nasosobrahan na po ang pagiging kriminal ng mga gawain n’yo.”
Noong 2016 nagsimulang kumalat ang tsismis, pero muling nabuhay ngayong taon dahil sa nalalapit na halalan.
Ilang beses na ring itinanggi ni Kris ang akusasyon at sinabing hindi kay Imelda ang alahas.
“The necklace I wore was made from cubic zirconia and silver – hindi po DIAMONDS. In other words, fake sila although Bottega Veneta naman,” paliwanag ni Kris.”