Nuezca, ex-cop na pumatay sa mag-ina sa Tarlac, pumanaw

PUMANAW si Jonel Nuezca, ang convicted killer ng mag-inang sina Sonia at Frank Gregorio sa Paniqui, Tarlac noong nakaraang taon, habang nasa New Bilibid Prisons.

Dahil dito, isang imbestigasyon ang sisimulan upang mabatid kung may foul play sa pagkamatay ni Nuezca.

Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) Spokesperson Gabriel Chaclag, idineklarang patay si Nuezca sa Bilibid hospital alas 6:44 p.m. nitong Martes, Nobyembre 30.

“He was brought unconscious to the NBP Hospital by his cell mates at 6:30 pm yesterday, Nov 30, 2021,” ayon kay Chaclag.

Isasailalim sa autopsy ang bangkay ng dating pulis.

Ayon pa kay Chaclag, bigla na lamang nag-collapse si Nuezca habang naglalakad sa labas ng kanilang dormitoryo.

Si Nuezca ang bumaril at pumatay sa mag-inang Sonya at Frank Gregorio noong Disyembre, 2020, habang nasa harap ng kanyang anak.