Doris Bigornia sasabak sa ikalawang heart surgery; anak humihingi ng dasal, tulong

doris ooperahan

HUMIHINGI ng panalangin at pinansyal na tulong ang pamilya ng Mutya ng Masa na si Doris Bigornia, na sasabak sa pangalawang heart surgery.


“Nasa ospital pa po si Mommy. Tina-try ko pong maging matatag at matapang para kay Mommy,” ayon sa anak ni Doris na si Nikki.


Naging matagumpay ang unang operasyon na ginawa sa radio and TV personality pero nitong Miyerkoles ay kinabitan siya ng pacemaker dahil mahina ang puso niya.


“Nakatulong ang surgery. Kaso kailangan ng dagdag na tulong, gamit ‘yung pacemaker. Sa ngayon, medyo hirap po si Mommy. Kanina, nagtatanong siya kung bakit hanggang ngayon, hindi pa rin siya makahinga,” dagdag ng dalaga.


“Sabi naman ng doktor, magagawan pa ng paraan. Kaya kami ay humihingi ng patuloy n’yong pagdarasal para kay Mommy nang siya ay gumaling na po,” sabi pa ni Nikki.


Mahigit isang buwan nang naka-confine sa ospital si Doris makaraang isugod sa ospital dahil sa heart attack noong February 22.