Coritha pumanaw na sa edad na 73

SUMAKABILANG-buhay ang OPM legend na si Coritha nitong Biyernes, September 27. Siya ay 73.

Kinumpirma ni Chito Santos, partner ni Coritha (Socorro Avelino sa totoong buhay), ang malungkot na balita sa broadcaster na si Julius Babao. 

Ani Santos, namatay ang “Sierra Madre” at “Oras Na” singer alas-7:50 ng gabi. “Ilang oras naming siyang binantayan hanggang sa manghina na siya ng manghina.

Ayoko na rin siyang magtagal dahil lalo na lang siyang nahihirapan,” pahayag ni Santos kay Babao.

“Mabuti nang ganito kesa nakikita kong nahihirapan siya. Sobrang hirap na e. Ang payat payat na niya,” dagdag niya.

“Lumalaban siya. Tumigil na lang siya sa paghinga. Pero nakita ko hirap na hirap na siya. Hindi ko na kayang tiisin.”

Ike-cremate ang katawan ni Coritha, ani Santos. Magkakaroon ng viewing sa labi ng singer sa Tagaytay sa susunod na linggo. Bago namayapa ay matagal nang nakaratay na ang singer makaraang ma-stroke.