Awra tadtad ng pasa, bukol; hindi raw man lang pinagamot

AWANG-awa ang isang kaibigan ng komedyanteng si Awra Briguela nang bisitahin niya ito sa kulungan makaraang maaresto sa Makati nitong Huwebes ng umaga.

Ayon sa content creator na si Riva Quenery, nanlumo siya nang makita sa selda si Briguela.

“Dinalaw ko siya sa police station sa Makati kung saan siya na-detain at biglang bumagsak ang balikat ko nung nakita ko siya,” ani Quenery sa Facebook post.

Dagdag ng YouTuber, hindi man lang ipinagamot si Briguela bago ipinasok sa kulungan dahil sa mga tinamo nitong mga pasa at bukol.

“Nakita ko pa kanina na ang dami nyang pasa sa likod, at may malaking bukol pa sa ulo. Hindi man lang siya sinuri or pinagamot ng maayos,” aniya.

Inusig naman ni Quenery ang mga pulis na dumakip sa komedyante.

“Saludo ako kay Awra at kilala ko sya bilang kaibigan na kaya ka nyang ipaglaban. Pero bakit kung sino pa ang ang nasa katwiran, sya pa ang ikukulong?” sambit niya.

“Bakit? Gusto nyo bang gawing trophy si Awra? Laliman nyo naman ang imbestigasyon nyo hindi yung alam nyo nang mali, pinaninindigan nyo pa. So nasaan na yung mga nanghipo sa mga kaibigan ni Awra? Nasaan na yung sumapak sa kanila na kahit may pulis na dumating eh hindi nagsitigil at kay Awra lang lahat naka focus. Achievement ba para sainyo dahil si Awra ang nahuli nyo? #JusticeForAwra,” dagdag niya.