Angel Locsin lyamado sa pagkasenador

NANINIWALA ang entertainment writer/vlogger/komedyante na si Ogie Diaz na mananalo sa senatorial race ang aktres na si Angel Locsin kung magdedesisyon itong tumakbo.

Sa kanyang YouTube video, sinabi ni Diaz na kumpara sa mga bumabatikos sa aktres ay di hamak namang mas maraming nagawa para sa bayan si Locsin.

“Mananalo si Angel kung tatakbong senadora. Ganoon lang kasimple. Senadora o congresswoman or party list. Mas marami pa ngang ginagawa si Angel kesa sa ibang congressmen… hello,” hirit ni Diaz.

“Yan bang mismong tumutuligsa kay Angel may nagagawa para sa bayan? Ano? Pakiisa-isa po. Karamihan po puro bashing through the snow,” dagdag niya.

Nakiusap din siya sa ilang netizen na tigilan na ang paninisi sa aktres sa pagkamatay ng matandang pumila sa community pantry na inorganisa nito para sa kanyang birthday.

“Sa akin lang ay sana nasisilip nung ibang tao ang ginagawang kagandahan at kabutihan ni Angel. In fairness to Angel, napaka-onsistent niya,” sabi pa ni Diaz.

Sinopla din niya ang mga nagsasabing lahat ng ginagawa ng aktres ay pamumulitika.

“Ano bang pamumulitika? Kayo naman masabi n’yo lang pamumulitika, hindi n’yo naman alam ang meaning. Masabi lang na kayo ay updated sa politika. Hindi naman din tatakbo si Angel,” dagdag niya. –A. Mae Rodriguez