NASA mahigit 400 pamilya ang nabigyan ng Christmas food packs mula sa pera na napangarolingan ni TV host-vlogger Alex Gonzaga sa Senado.
“Thank you sa mga senators for letting me sing for them dahil dyan may mga natulungan tayo maging masaya ang Pasko na ating mga kababayan. We all deserve a merry and joyful Christmas!” caption ni Alex sa YouTube video.
Kwento ni Alex, noong 2021 ay nangaroling siya sa mga presidential at vice presidential candidates.
“Almost 200 families ang ating nabigyan ng pa-noche buena dahil sa mga nalikom nating caroling money,” sabi niya.
“Pero ngayon, sa mga senador naman tayo pupunta at mangangaroling at makikita n’yo na naman ang pagkakaroon namin ng dignidad, prinsipyo, hindi kami nadadala sa pera, walang kasipsip-sipsip sa katawan at talagang masasabi ninyo na tuwid,” dagdag niya.
Kabilang sa kinantahan niya ang mga senador na sina Robin Padilla, Bato Dela Rosa, Mark Villar, JV Ejercito, Francis Tolentino, Raffy Tulfo, Loren Legarda, Bong Go, Grace Poe, at Jinggoy Estrada.
Ani Alex, umabot sa P560,000 ang nalikom niya sa pangangaroling, na nadagdagan pa ng 100 grocery packs mula kay Go.
Karamihan sa binigyan ni Alex ng food packs ay mga pamilya na natutulog sa kalsada.
Nag-donate rin siya sa pediatric cancer ward ng Philippine General Hospital.