INUPAKAN ng actress-singer na si Agot Isidro si Pangulong Duterte kaugnay sa pag-amin ng huli na marami pang Pilipino ang masasawi dahil sa kakulangan ng bakuna.
Sa Twitter, ni-retweet ni Agot ang ulat ng CNN ukol sa sinabi ni Duterte na hindi nito alam kung saan manggagaling at kailan darating ang mga bakuna para sa mahigit 106 milyong Pilipino.
Sa kasalukuyan ay humigit kumulang 1.2 milyon pa lang ang natututurukan kontra-Covid-19.
Sinabi ni Agot na isang malaking katanungan kung bakit ang isa umanong inutil ay naging alkalde ng Davao City.
Ani Agot: “Paanong naging mayor ito?” Ang sinabi ng Pangulo ay bahagi ng kanyang public address noong Huwebes ng gabi.
Sa Talk to the Nation, iginiit ni Duterte na hindi nagkulang at naging mabagal ang Covid response ng pamahalaan.
Sinabi ni Duterte, lumikha siya ng task force na nakatuon sa pandemya dalawang araw matapos maglabas ng advisory ang World Health Organization (WHO) kaugnay sa simula ng pandemya.
“We were not wanting. I’d like to just disabuse the mind of na nagkulang tayo. Wala na kayong tinitingnan kung hindi ‘yung kagaguhan ninyo. Hindi tayo nagkulang, right after the WHO advisory, the following day after, basta within 48 hours, we already had the task force,” aniya. –A. Mae Rodriguez