Trahedya sa Ash Wednesday: 1 patay, 55 iba pa sugatan

ISANG 80-anyos na deboto ang nasawi habang 55 pa ang nasugatan nang bumagsak ang ikalawang palapag ng St. Peter Apostle Parish Church sa Tungkong Mangga sa San Jose del Monte, Bulacan nitong Miyerkoles.

Nasa gitna ng Ash Wednesday mass ang simbahan at nakapila ang mga tao para sa pagpahid ng abo sa noo nang biglang bumagsak ang ikalawang palapag. Naganap ang insidente alas-6:30 pasado ng umaga.

Ang Ash Wednesday ay hudyat ng pasimula ng Lent season.

Ang 80-anyos na nasawi ay nakilalang si Luneta Morales.

Kasama si Morales sa maraming mga deboto na nagsimba para sa Ash Wednesday nang bumigay ang ikalawang palapag ng 30-anyos na simbahan.

Nabagsakan si Morales at 55 na iba pa na pawang mga nasugatan at dinala sa ospital para lapatan ng lunas.

Nangako ang lokal na pamahalaan na aakuin ang pagpapagamot sa mga biktima.

Nabatid na matinding anay ang dahilan kung bakit bumigay ang ikalawang palapag ng simbahan.