Shabu isinahog sa sabaw, babae timbog

ARESTADO ang 21-anyos na babae na nagtangkang magpuslit ng shabu sa kulungan sa Davao City.


Hindi kinilala ang suspek na ayon sa pulisya ay dumating sa city jail alas-11 ng umaga Biyernes para bisitahin ang kuya niyang nakakulong.


May bitbit ito na law-oy o sinabawang gulay para sa tanghalian umano ng kanyang kapatid.


Nang busisiin ng jail guard ang ulam ay nakita nito ang 10 sachet ng shabu na nakasiksik sa mga piraso ng luya.


Nagkakahalaga ng P60,000 ang nakumpiskang shabu.


Ayon sa ulat, nadakip din dahil sa droga noong 2019 ang nakakulong na kapatid ng suspek.