Resort ni mayor lumabag sa health protocols, isinara

PANSAMANTALANG isinara ang beach resort na pag-aari ng mayor ng General Santos City makaraang magsagawa roon ng party na lumabag sa health protocols.


Magkasamang ikinandado ng mga opisyal ng lungsod at pulisya ang Tropicana Beach Resort na pag-aari ni Mayor Ronnel Rivera noong Lunes.


Sinabi ni Geraldine Zamora, hepe ng city licensing and permits office, na sinuspinde ang license to operate ng resort na matatagpuan sa Brgy. Tambler.


Ginanap sa resort noong Sabado ang “Rise Up Reggae Night Jam in Celebration of 4:20,” na hindi umano pinayagan ng Inter Agency Task Force (IATF) on COVID-19 nang humingi ng permiso ang mga organizer.


Sa video na kumalat sa social media, makikita ang mga dumalo sa party na binalewala ang safety protocol sa physical distancing at pagsusuot ng face masks. Nilabag din ng party, ani Zamora, ang umiiral na curfew.


Wala namang sinabi ang opisyal kung hanggang kailan tatagal ang suspensyon at kung pagbabayarin ng multa ang organizer ng party at ang management ng resort.