NASA 258 ang opisyal na bilang ng mga nasawi habang umabot na sa P5.41 bilyon halaga ang nasalanta bunsod ng pananalasa ng Typhoon Odette.
Karamihan sa mga nasawi ay mula sa Bohol na nakapagtala ng 96, habang sinundan naman ng Negros Oriental ng 66; 58 sa Cebu; 21 sa Surigao del Norte; tig-apat sa Agusan del Sur at Misamis Oriental; tig-dalawa sa Palawan at Guimaras; tig-iisa naman sa Iloilo, Negros Occidental, Bukidnon, Misamis Occidental, at Butuan City, ayon sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Huwebes.
Mas mababa ang bilang na ito kumpara sa 375 na una nang naiulat ng PNP nitong Martes.
Sa ulat ng NDRRMC, sinasabi na karamihan sa mga biktima ay nalunod habang ang iba ay nabagsakan ng puno at mabibigat na bagay dala ng malakas na hangin.
Dagdag pa nito, 568 ang naiulat na nasugatan habang 47 pa ang patuloy na pinaghahanap.
Sa hiwalay na report ng Department of Agriculture and Department of Public Works and Highways, umabot na sa P5.41 bilyon ang nasira ng bagyo.