Lalaki na-depress, nanaksak ng obispo

BAGSAK sa kulungan ang lalaki na sumaksak sa isang obispo kahapon sa La Trinidad, Benguet.

Inamin ng suspek ang krimen at sinabing nagawa lamang niyang saksakin ang biktimang si Bishop Julian Mangida dahil nagdilim ang kanyang paningin bunsod ng matinding depresyon.

Nagpapagaling na sa pagamutan si Mangida na nagawang labanan ang salarin at maitakbo ang sarili sa ospital.

Ayon sa ulat, kapwa sakay ng pampasaherong jeep ang suspek at si Mangida nang biglang na lang pagsasaksakin ng una ang biktima.

Kahit sugatan ay nagawa naman ng obispo na kaladkarin palabas ng sasakyan ang suspek at agawin ang hawak nitong kutsilyo.

Nakunan pa sa video kung paano nagawang maglakad at dalhin ng biktima ang sarili sa ospital kahit duguan na ito.

Nasakote ng taumbayan, na nakasaksi sa pangyayari, ang suspek.

Todo-hingi naman ng tawad ito sa kanyang nagawa.

Larawan mula sa Bombo Radyo Baguio